Tuesday, December 11, 2012

Wika - katuturan, kahalagahan, katangian, antas at teorya


Wika
G. Francis Rodolfo M. Marcial Jr.
Guro sa Filipino, Hayskul Yunit
Pamantasan ng Ateneo de Zamboanga
Febrero, 2008

Katuturan

                Binanggit ni Austero et al (1999) mula kay Gleason na “ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog ay hinugisan/binigyan ng mga makabuluhang simbolo (letra) na pinagsama-sama upang makabuo ng mga salita na gamit sa pagpapahayag.”

                Dagdag naman nina Mangahis et al (2005) na ang wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghatid at pagtanggap ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.


Kahalagahan ng Wika

                Mahalaga ang wika sapagkat:

  1. ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon;
  2. ginagamit ito upang malinaw at efektivong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
  3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan;
  4. at isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.


Katangian ng wika

  1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.

    1. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].

    1. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.

Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Fonema = a
                *tauhan, maglaba, doktora

c.       Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.

Hal. Mataas ang puno.
        Ang puno ay mataas.
        The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)

d.       Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.

Hal. Inakyat niya ang puno.
        Umakyat siya sa puno.

Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na. Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.

  1. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang ponolohiya)

  1. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay [casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles. Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang salita o pangungusap ng isang wika, nangangahulugan na hindi siya bahagi ng kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan at matututunan niya ang wika, nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa naturang wika.

  1. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang may katangian namang natatangi sa bawat wika.

Halimbawa
                Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)
                Wikang Filipino – Opo, po
                Wikang Subanon – gmangga (mangga)
                Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
                Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
                Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)

Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman, mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman, isang fonema lamang ang idinagdag ngunit  nagdudulot ng makabuluhang pagbabago. Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.

  1. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.
Halimbawa:          BOMBA
                Kahulugan
a.       Pampasabog
b.       Igipan ng tubig mula sa lupa
c.       Kagamitan sa palalagay ng hangin
d.       Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e.       Sikreto o baho ng mga kilalang tao

  1. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaćion].

  1. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita na hindi maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong pagkakataon, napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon ang salita sa kultura ng wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang /malong/ sa Tagalog sapagkat hindi bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito. Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin matutumbasan sapagkat iba ang paraan ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang komunidad sa bansa.

  1. Ang wika ay bahagi ng karamihang anyo/uri ng komunikasyon. Sa komunikasyon ng mga pipi, hindi wika ang kanilang ginagamit kundi mga kilos. Hindi wika ang kanilang midyum sapagkat hindi nito taglay ang katangian ng isang ganap na wika.

  1. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.

  1. May level o antas ang wika.

Antas ng wika
  1. formal at di-formal – di-formal na wika ang wikang ginagamit ng tao sa ka-edad samantalang formal naman ang wikang gingamit ng tao sa nakatataas o nakatatanda
  2. lingua franca – wikang ginagamit ng karamihan sa isang bansa; sa Pilipinas ang Filipino ang lingua franca ng mga tao
  3. lalawiganin – mga wikang ginagamit ng mga tao sa lalawigan gaya ng Chavacano, Tausug, Cebuano, Ilonggo, Visaya at iba pa. Hindi talamak ang paggamit sa isang bansa ng mga wikang lalawiganin ngunit nagsasadya ito ng implikasyon ng kultura ng isang lalawigan
  4. kolokyal - ito ay ang pakikibagay ng wika sa taong gumagamit nito. Kadalasan napaiikli ang mga salita ngunit napagkakasunduan ang pagpapaikli nito. Halimbawa: /tena/ para sa 'tara na',  /pre/ para sa 'pare'
  5. balbal o pangkalye – wikang ginagamit ng tao na halos likha-likha lamang at may kanya-kanyang kahulugan gaya ng wika ng mga tambay at bakla – halimbawa ang mga salitang ‘eklavush’, ‘erpat at ermat’ at ‘cheverloo’.
  6. edukado/malalim – wikang ginagamit sa panitikan, sa mga paaralan at pamantasan, sa gobyerno, sa korte at iba pang venyung profesyunal

Teorya ng pinagmulan ng wika

v      Teorya sa Tore ng Babel – Ang teoryang ito ay nahalaw mula sa Banal na Kasulatan. Ayon sa pagsasalaysay, noong umpisa’y iisa ang wika ng tao na biyaya ng Diyos. Dahil sa nagkakaunawaan ang lahat, napag-isipang magtayo ng isang tore upang hindi na magkawatak-watak at nang mahigitan ang Panginoon. Nang nabatid ito ng Panginoon, bumaba Siya sa lupa at sinira ang tore. Nang nawasak na ang tore, nagkawatak-watak na ang tao dahil iba-iba na ang wikang kanilang binibigkas kaya nagkanya-kanya na sila at kumalat sa mundo.
v      Teoryang Bow-wow – Sinasabi sa teoryang ito na nagkaroon ng wika ang tao dahil noong umpisa’y ginagaya nila ang tunog na nililikha ng mga hayop gaya ng tahol ng aso, tilaok ng manok at huni ng ibon.
v      Teoryang Ding-dong – Maliban sa tunog ng hayop, ginagaya naman daw ng tao ang tunog ng kalikasan at paligid gaya ng pagtunog ng kampana, patak ng ulan at langitngit ng kawayan.
v      Teoryang Pooh-pooh – Ang tao ay nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin. Gamit ang bibig, napabubulalas ang mga tunog ng pagdaing na dala ng takot, lungkot, galit, saya at paglalaan ng lakas.
v      Teoryang Yo-he-ho – Isinasaad dito na nagsimula ang wika sa indayog ng himig-awitin ng mga taong sama-samang nagtatrabaho.
v      Teoryang Yum-yum – Sinasabi sa teoryang ito na ang wika ay nagmula sa pagkumpas ng maestro ng musika at sa bawat kumpas ay nagagawa niyang lumikha ng tunog mula sa kanyang labi.

Mga Sanggunian:

Antonio, Lilia F. et al. (2005). Komunikasyon sa akademikong Filipino. C & E Publishing,
Inc. Lunsod ng Quezon

Austero, Cecilia S. et al. (1999). Filipino sa iba’t ibang disiplina. Mega-Jesta Prints, Inc.
Lunsod ng Valenzuela

Paz, Consuelo J. et al. (2003). Ang pag-aaral ng wika. University of the Philippine Press. Lunsod
ng Quezon

Santiago, Alfonso O. (1979). Panimulang linggwistika sa Pilipino. REX Book Store. Maynila

Santiago, Alfonso O. at Tiangco, Norma G. (2003). Makabagong balarilang Filipino. REX
Book Store. Maynila

No comments:

Post a Comment