Tuesday, December 11, 2012

Realismo sa Pelikula

       Ang layunin ng panitikang nasusulat sa perspektibong realismo ay ipakita ang makatotohanang pangyayari sa lipunan at ang panitikang ito ay hango sa totoong buhay at mga pangyayari. Ngunit mahalagang tandaan na ang realismo at hindi ‘real’kundi halos ‘real’ dahil ito ay batay lamang sa realidad sa mundo. Sa ganitong aspekto nagiging mabisa ang isang panitikan dahil pinakamalapit ito sa tao: ang nakikita, nararandaman at iba pang karanasan ng tao ay nasasalin sa panitikan.           
            Ang pelikula ay isang uring pampanitikan sa anyong patanghal. Naiiba ito sa ibang uri ng panitikan sapagkat ito ay higit na naisasalang bago ilahad sa madla. at karamihan sa mga pelikula ay yaong hango sa realidad. 
            Ayon kay Reyes (1996), “Ang bisa ng realidad sa pelikula ay katulad ng realidad ng tao. Gaya ng tao, maaaring makahawa at makasakit ang isang pelikula. Ngunit kahit nakakadala ang drama ng isang pelikula, iba ang timbang ng realidad nito kung ito’y ihahambing sa realidad ng tao.” 
            Dagdag pa ni Reyes, “Ang isang pelikula ay nagkakabuhay lamang sa tulong ng imahinasyon ng mga manonood. Ang realidad ng isang pelikula ay gawa ito sa plastik. Sa isang rolyo ng pelikula (film) nakalimbag ang mga larawan na hindi gumagalaw. Nagkakabuhay ang mga larawang ito sa tulong ng isang movie projector. Dahil sa bilis ng pagpapakita ng movie projector sa mga larawang ito, hindi na napupuna ng ating mga mata ang pagpapalit ng mga larawan. At dahil dito, nagmumukhang tuluy-tuloy ang paggalaw ng mga pigura sa puting tabing. Kapag sinabayan ng synchronized sound ang paggalaw ng mga pigurang ito, nagmumukhang totoo ang mundong inilalarawan ng isang pelikula. Ngunit ang lahat ng ito’y ilusyon. 
            Ang daigdig ng pelikula ay umiikot sa pagkukunwari. May sarili itong lohika na hindi katulad ng lohika ng totoong mundo. Ang mga bagay na itinuturing na imposible sa mundo ng tao ay maaaring maging posible sa mundo ng pelikula. Halimbawa, sa pamamagitan ng special effects, maaaring ipakita ng isang pelikula na may kakayahan ang isang taong lumipad sa himpapawid. At kahit maraming tama ng bala ang katunggali ng bida, maaari pa itong mabuhay upang madagdagan ang kapanabikan ng mga manonood. 
            Ang bawat pelikula ay naghaharap ng ideya sa mga manonood. Kung tatanggapin ito ng publiko, epektibo ang pelikula. Ngunit kung hindi ito pag-uukulan ng pansin, wala itong bisa. 
            Malaki ang kakayahan ng pelikulang mag-impluwensya ng opinyon. Ngunit hanggang dito lamang ang teritoryo nito. Hindi nito kayang magpabilanggo ng mga krimen o magpasimula ng digmaan. Ideya lang ang hinaharap nito. Ang pagpapatupad ng anumang hangarin ay magsisimula sa kilos ng isang individwal. Hindi nakakapinsala ang isang ideyang pampelikula dahil malaya ang isang individwal na pasyahan ang argumento (ideya) nito. Ang nakakapinsala ay ang kilos ng tao.”
           Samakatuwid, kailangang laging tandaan na ang pelikula ay iniaayos upang maging sinematik (cinematic). Ang lahat ay pinaghahandaan at may editing at direkting na nagaganap. At ang mga tauhan ay gumaganap lamang kahit ano pang husay ang inuukol sa tauhan – ito ay pagpapanggap lamang.
<>
 Sanggunian:  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular: piling sanaysay, 1976-1996, Soledad S. Reyes, ADMU Press, Quezon City, Philippines, 1997
 Panunuring Pampanitikan (Teorya at Pagsasanay), Patronicio V.           Villafuerte Mutya Publishing House, Valenzuela City, Philippines, 2000
                         Malikhaing Pelikula, Manny Reyes, Media Plus, Philippines, 1996

No comments:

Post a Comment