Noong unang panahon may pamayanan sa Timog Katagalugan na pinamumunuan ng isang haring mayaman at makapangyarihan, iginagalang ngunit kinatatakutan. Siya’y si Datu Batumbakal, tinaguriang gayon dahil sa siya’y may pusong bakal.
Namuno siya sa Balayan, isang pamayanang sagana sa mga yaman ng kalikasan. Sa panahon ng anihan, naging ugali ng mga katutubo na magpasalamat sa Poong Maykapal sa kanilang masaganang ani. Nagtitipon sila sa tahanan ng Datu at sama-sama silang nag-aalay ng kanilang mga ani tanda ng pasasalamat at sa kapayapaan ng kanilang pamumuhay.
Kasama ng Datu ang kanilang anak na si Marin, isang dilag na pinipintuho dahil sa angking kagandahan. Maraming mga manliligaw ang dalaga na nagmumula sa iba’t-ibang kaharian, ngunit tatlo lamang ang masugid: Datu Bagal ng Mindoro, Datu Saguil ng Laguna at Datu Kawili ng Camarines. Sa kanilang pagluhog, hindi naaantig ang puso ng Prinsesa Marin.
Isang araw, naakit ang dalaga ng mga awit ng Garduke, isang makata na humabi ng mga awitin at tulain sa kagandahan at kariktan ng kalikasan. Siya’y dukhang mangingisda mula sa Taal, nagbibigay aliw sa kaharian ni Datu Batumbakal. Naakit si Marin sa kakisigan ng makata na nagtapat ng pag-ibig sa dalaga. Di nagtagal at sila’y naging magsing-irog.
Nang matuklasan ito ng Datu, nagalit siya. Sumalungat siya sa pag-iibigan ng dalawa. Nais niyang ang mapangasawa ng anak ay isang maharlika. Iniutos niyang patayin si Garduke kung igigiit niya ang pag-ibig sa Prinsesa Marin.
Nalungkot ang Prinsesa, ngunit isang araw habang namamasyal sa dalampasigan ng Bombon, nasalubong niya si Garduke. Ipinahayag ng dalaga ang walang kamatayan niyang pag-ibig sa binata, na di alintana ang pagsalaysay ng binata na siya’y walang kayamanan at kapangyarihang maipagmamalaki.
”Hindi ko kailangan ang kayamanan at kapangyarihan,” wika ni Prinsesa Marin. ”Kailangan kita; may wagas na layunin. Mahal ko ang isang taong mapagkumbaba, makatao at tagahanga ng kalikasan”, dugtong pa ng dalaga.
Nalaman ng Datu ang lihim ng pagtatagpo ng dalawa kaya iniutos niya na pugutan ng ulo si Garduke. Dahil diyan, ipinasya nina Prinsesa Marin at Garduke na tumakas. Sumakay sila sa bangka patungo sa Tayabas Bay, hinabol sila ng mga sundalo ni Datu Batumbakal kasama ang tatlong masugid na manliligaw. Nang inaakala ng dalawa na maaabutan sila ng mga sundalo, iniutos ng dalawa sa kasamang utusan na magkasamang gapusin silang dalawa at ihulog sa gitna ng karagatan. At ganon nga ang nangyari.
Sa pagdaraan ng panahon, may umusbong na hugis pusong pulo sa pook ng pinaglagakan ng katawan nina Prinsesa Marin at Garduke. Ang pulo ay pinangalanang Marinduke, ang pinakamatahimik at mapayapang pulo sa Timog Katagalugan.
Anong halaga ng pera sa pagmamahal?
ReplyDelete