Tuesday, December 11, 2012

Kay Salome, ang Tauhang Hindi Napabilang sa Noli Me Tangere


ni Joi C. Barrios

Lagi na’y nakaabang sa iyong durungawan
Tuwing sumasapit ang dapithapon, Salome.
Waring ritwal ang laging pag-aantabay
sa pagdating ng kaibigang tulisan.
Bago lumubog ang araw,
Nakaupo ka na sa may pasimano,
Inaabala ang kamay sa kung anong gawain,
Habang ang mga mata ay nasa lawa,
Tuwing makalawang sandali.

Ay, Salome,
Bawal sa mga babae sa iyong pahahon
Ang pamimintana.
Ito’y pahayag ng pag-aanyaya,
Na parang kamison
Na sumusilip sa balikat,
O sakong ma dumudungaw
Sa laylayan ng saya.

Ang pagtanaw sa lansangan
Ay paghangad ng mga bagay
Sa labas ng tahanan,
Sa panahong ang daigdig ng babae
Ay sala, silid, kusina,
At ang tanging pangarap
Na pinahihintulutan
Ay ang maging asawa at ina.
Ang batas na ito’y eskpularyong
Laging nakalapat sa dibdib
Sa paggising at pagtulog,
At pamaypay na lagi nang nagkukubli
Sa iba pang lihim na hangarin,
Na maaaring mamutawi sa labi.

Ngunit lagi na’y nakaabang ka
Sa iyong durungawan
Tuwing sumasapit ang dapithapon, Salome.
Kasinghaba ng buhok mong nakalugay
Ang paghihintay.
Nakikipagkaibigan ka sa pagkainip
Sa bawat hiblang sinusuklay.
Habang inaalo, muli at muling inaalo
Ang pusong nagpasyang magmahal
Sa isang lalaking walang maipapangakong
Singsing, tahanan, o mga supling.

Kasintalim ng munting karayon
Na gamit sa pagsusulsi
Ang takot na kumukurot sa puso
Tuwing kumagakat na ang dilim
At wala pang bangkang tumatawid sa lawa.
Nakikipagtalo ka sa pangamba
Pagkat ang isipan
Ay patuloy sa paghabi
Ng kung anong masamang pangyayaring
Maaaring maganap sa kaibigan.
Habang inaalo,
Muli at muling inaalo,
Ang pusong nagpasyang magmahal
Sa isang tulisang hinihiram
Sa kanyang digmaang ipinaglalaban.
  
Ay, Salome,
Kinakailangan mong mamuhay at magmahal
Nang higit sa iyong panahon.
Kung kaya’y binuksan mo ang durungawang
Ipinipinid ng iba.
Sinukat mo ang pag-ibig
Hindi sa pamamagitan ng kasal
Na may basbas ng langit
Kundi ng pag-iisang dibdib
Na binibigyang-katuparan
Ng pagniniig ng puso at diwa.
Nangahas kang bigyan ng bagong kahulugan
Ang mga salitang
Pag-ibig, tahanan, pagkababae.

Kaya’t wala ka man sa mga pahina
Ng nobelang dinakila,
Hindi man ikaw
Ang tinanghal na halimbawa
Sa mga dalaga ng iyong lahi,
Lalagi ka sa aming alaala.
Tulay sa agwat ng mga dekadang
Naghihiwalay sa atin
Ang iisang pangarap:
Ang makamit ang kalayaang magtakda
Ng sariling buhay
Sa ano mang panahon.

No comments:

Post a Comment