Tuesday, December 11, 2012

Utos ng Hari


ni Jun Cruz Reyes

          “See you in my cubicle after lunch.” Pahabol sa akin ni Mrs. Moral Character kanginang matapos ang klase. Si Mrs. Moral Character ang teacher namin sa Social Science. Siya rin ang adviser namin.

          Para naman akong g.go na isip nang isip kung ano na naman ang sasabihin nito sa akin. Nawalan tuloy ako ng ganang mananghalian. Halos tiyak ko nang sermunang umaatikabo na naman ito. Kamakalawa lamang ay halos ilabas niya ang kanyang calculator para makita kung gaano ako “katanga” at kung gaano katama ang kanyang pagsuma sa aking mga 5. Isinunod niya ang mga absences ko at tapos ay ang aking mga lates. Hindi naman maikatwirang “Paano ‘ko di masi-5, kung kailan ako absent ay saka ka magbibigay ng quiz. Kung kelan tinatamad mag-recite, saka namimilit. Saka pag sinabi ko naman ang gusto kong sabihin, kakapain yung pulangball pen.”

          Pero tipong maganda naman ang kanyang mood sa klase kanina. Katunaya’y yung kanyang paboritong paksa ang pinag-uusapan namin...Yung kanyang dazzling Malaysian at ang kanyang paboritong pabango. Nagtsismis din siya (tulad ng dati). Kesyo si Mr. Espejo raw kaya tumandang binata dahil dalawang beses niyang binasted noong dalaga pa siya. Si miss kuwan daw, kaya wala sa eskuwelahan, hindi dahil nag-study leave, nagpa-abort sa America. Magbi-bell na nang maalala niya ang leksyon namin, ang normalization process sa gobyerno.

          Sabi niya kangina. “Para tayp maging fully democratic, kailangang mataas ang literacy rate.” (Sinabi na yon ni Rizal) “May sapat nacommunication system ang pamahalaan at may mataas na moralidad ang mga mamamayan. At higit sa lahat, kailangang maging westernized ang ating pamantayan. By doing so, hindi tayo magiging uncivilized sa western standards.”

          Nang tanungin niya ako, sabi ko’y mas basic ang dapat na pamamaraan sa pagtingin sa problema. Halimbawa’y bakit hindi umpisahan sa economic condition ng bansa. Kung kuntento ang mga tao, normal ang takbo ng pamahalaan. Pero kung maraming dissatisfied, natural na abnormal ang sistema. Hindi basta effective communication process, hindi rin basta mataas na literacy rate. Mga manipistasyon lang ito ng talagang problema. Nabigla siya. Doon na inabutan ng bell.

          Ay konsumisyon sa buhay, gusto kong lagnatin. Kay layo ng kahapon sa kasalukuyan. Pag nasa bahay, ako ang bida. Pag ang kababayan ko ang magkukuwento, ako ang sikat. Pero dito sa eskuwelahan, walang isko-scholar ng bayan.

          Talagang gusto kong maghinto, pero ayaw ni Tatay. Kung sabagay, sino bang ama ang matututwang magkaanak ng drop-out. Talagang sawa na akong mag-aral. Kay ganda sanang isiping hindi ako nakatali sa sintas ng sapatos ng teacher ko na kasama ko sa bawat hakbang. Ipaling kung saang sulok ko gustong puntahan, ilakad-kaladkarin kahit gustong mamahinga. At isa pa, kahit ako ang masaktan.

          Ay buhay estudyante. Magkauno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin. Pakisama lang talaga. Konting kumpromiso, konting tango at yes man lang, dos na yon o tres. Kungbakit naman kasi nauso pa sa mundo ang diploma. Kung wala kang diploma, sino naman ang maniniwalang may kaubrahan nga ako. Sana’y di nauso ang grade, di sana’y di ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila aide. Kung graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin. At kung tapos nga, nakakahiya namang pati trabahong pangmahirap ay pagtiyagaan ko.

          Grade lang naman, problema ba ‘yon? Kung 5, tapos ang usapan, bakit kailangang pahabain pa? Bagsak kung bagsak. Kickout. Pero hindi naman talaga ako dapat bumagsak. O.K. matigas ang ulo ko, rugged at medyo bastos pa raw, pero bakit kailangang isali pati conduct at ayos ng katawan sa usapan? Hindi namn ito military school, hindi rin naman seminaryo, bakit panay “yung conduct mo” at “appearance” ang panakot nila.

          Ano ba ang sama nang bumagsak? Kung si Recto, bar flunker pero isa sa kinikilalang constitutionalist ngayon. Si Einstein, bumagsak sa Physics at grammar school pero big time scientist. Kahit teacher niya hindi alam ang theory niya sa relativity. Kung sa bagay, hindi ako si Recto o si Einstein. Si Jojo lang ako kung ang walang sinabi kong teachers ang tatanungin. Sa mga kapitbahay namin, pambihira raw ako. Biro mong sa probinsya namin ay ako lang ang nakarating sa Maynila para mag-aral nang libre. Kung nalalaman lang nila.

          Aral nang aral. Aral sa umaga, aral sa tanghali at aral pa ulit sa gabi. Hindi ko naman maintindihan kung para ano ang pinag-aaralan. Hindi na naubusan ng ipari-research. Walang alam kung itanong kung hindi “What is our lesson for today?” Parang mga Diyos na sila lamang ang may monopolyo ng tama. Kaya hindi puwedeng tanungin at lalung hindi puwedeng pagsabihan ng mali.

          Ay ang teacher sa mundo, bakit ba ginawa pa ng kung sinong hayupak. Tulad ni Mrs. Moral Character, bago mag-umpisa ng leksiyon, magsesermon muna ng virtue of honesty, kesyo masamang mandaya, kasalanang mortal ang magturo sa kaeskuwelang nakalimutn ang sagot dahil sa pagkataranta, krimen ang magkodigo at kung anu-ano pa. Lahat na yata ng masama at bawal sa mundo ay alam. Pero ang kanyang lihim ay buko na namin. Noon daw nakaraang referendum, ang teacher namingmorally upright ay biglang nabulag at nabobo. Nang mag-watcher daw ito sa presinto, tatlong letra lang ang kabisadong basahin. Katuwiran daw nito’y “Anong sama roon, kahit matalo, panalo pa rin. Bakit, me magagawa ka ba?” Kaya naman ngayon, hindi na siya si Mrs. Moral Character sa amin, Mrs. Eraser na lang.

          Tapos nagtataka pa kung kangino kami nagmana sa mundo.

          E, sino naman kaya sa kanila ang pwedeng gawing idolo? Yungteacher ko sa English, walang pakialam sa mundo. Basta magamit lang biya yung nalalaman niya sa voice  and diction, maligaya na siya sa buhay. Basta kami ang papel lang namin, tagapakinig sa kanyang mga sides. Para patuloy kaming pang-theraphy niya lang. At ang kanyang paboritong paksa, yung kaniyang nuno na purong Kastila raw na nagpatayo ng simbahan sa kanilang bayan. Antique siyempre yung simbahan (tulad niya at ng kanyang lolo). Ibig lang niyang palabasin na may dugong bughaw siya. Sarap sanang bukuhin na ang Kastilang napunta rito noong araw ay mga butangero at kriminal sa Espanya. Kesa nga naman maging problema sila sa gobyerno nila, di Pilipinas na lang ang bahalang magtiis ng kunsumisyon. Yung gaanong sistema ang namana niya sa kanyang lolo, ang mangunsumi ng mapagtiis. Pag nabuko mong hindi nag-aral, lagot ka. Pagsasabihan ka nito ng “What? Iyon lang ang hindi mo pa alam hanggang ngayon? O.K. that’s your assignment for tomorrow.” Saka niya sasabayan ng bura ang maling nakasulat sa blackboard.

          Kunsumihin ka ba naman araw-araw, pag naging g.go ka nagtataka pa. Hindi ka na mga pwedeng magwala, hindi ka pa rin pwedeng maglibang. Kung  sa pagtitiis ng kunsumi ay sigarilyo at beer ang mapiling pagbuntunan ng sama ng loob, ayun at “Sinasabi ko na nga bang masama sa pag-aaral ang bisyo,” ang agad ikakatuwiran ng mga ito.

          Kung bisyo naman ang pag-uusapan, masama raw sa katawan ng tao ang alkohol at nikotina. Para na rin sinabing pag teacher ka na ay pwede. Dahil estudyante ka pa lang, tiis. Itanong mo kay Mr. Discipline at alam niya ang sagot. Huwag mo nang itanong kung nagdaan din siya sa pagkabata, kung noong araw ay g.go rin siya, dahil ang isasagot nito’y “Kaya nga ayaw niyang matutuhan n’yo ang bisyo dahil pinagdaanan niya na yan.”

          Sa amin sa barkada, dalawa kaming mag-gu-goodbye my school goodbyeKickout ako sa kagag...n daw. Si Minyong nama’y sa kabobohan daw.

          Kung paano nila natiyak na dapat nga kaming palayasin sa pinakamamahal naming paaralan, ganito raw ang naging takbo ng usapan nina Mrs. Moral Character (Eraser). Mrs. Gles-ing, Mr. Mathemathician, Miss Spermatozoa at Mr. Discipline.

          “Hindi naman korum, say qourom, kuwow, quoromThat’s correct, that Jojo Boy has no sense of deqourum. I feel though he is brilliant, only my reservation is that...”

          “Only he is stubborn. Papasok yan sa klase ko nang nakainom, para pang nag-iinis at lalapitan ka. Ipapaamoy sa iyo ang hininga.”

          “How true, how true, I swear to God that’s true.”

          “Hindi lang yan, minsan gusto pa mandin akong kulitin sa klase na akala mo’y mahuhuli niya akong hindi prepared sa lesson ko. Tambakan ko nga ng research work, di atras siya.”

          “And he is always absent. Sometimes, i don’t want to give him an excuse slip anymore.”

          “So what is the verdict of the group?”

          “I could not pass him.”

          “Ako rin.”

          “I second the motion.”

          “God will punish his naughtiness.”

          “I will report the matter to his parents immediately.”

          Ang masama ay ang akusayon nila kay Minyong. Nababaliw raw. Tuwang-tuwa silang pagtsismisan ito. Iyon ay kung hindi sila tinatamaan ng mga pinagsasabi ni Minyong. Pah medyo kinabubuwisitan nilang co-teacher ang tinatamaan, “hi-hi-hi-hi” lang ang sagot nila. Pag-bulls eye, si Minyong.

          “My God, baliw talaga, hindi alam ang sinasabi,” ang katuwiran nila.

          Si Minyong kasi ay cultural minority. Hindi naman nagprisinta sa kanila yung tao na rito sa Maynila mag-aral. Kinuha-kuha nila sa bundok, tapos pilit pinaniwalang makasasabay ito sa  standard ng exclusive school, pinaniwalang dito matutuhan ang paghango sa kahirapan ng kanilang tribo, saka ngayon, basta na lang pinagsalita, para raw mahasa nang gayo’y mawala ang inferiority complex nito. Ayun, nang matutong magsalita ang tao, na-shock silang marinig ang katotohanan.

          Sabi ng pangkat ng mga Hari.

          “I find him kinda weird lately.”

          “So what shall we do with him?”

          “Definitely, I could not pass him.”

          “Oo nga naman. Gagawa tayo ng masamang precedent. Mauuso ang bobo sa eskuwelahan. Remember, Philippine School of Science and Technology ito. Tapos magpapasa tayo ng estudyanteng bobo? Hindi pwede.”

          ‘Pero cultural minority yan.”

          “And so what?”

          “Kailangng babaan batin ang standard sa kanya.”

          “Excuse me, mayroon lamang isang standard ang excellence at wala nang exception pa.”

          “What now?”

          “Ano pa, di ibagsak.”
         
          “Saka sila nagkurus ng “Ibagsak.”

          Kung sabagay, nang mabalita ang kaso ni Minyong sa eskuwelahan, humigit kumulang ay nakapagpasiya na sil sa mgiging dulo ng istorya. Ganito raw iyon.

          “Have you considered his case lately?”

          “Anong gagawin natin sa kanya? Meron ba tayong policy sa ganyang kaso?”

          “Mabuti siguro’y pauwiin natin sa kanilang tribo.”

          “Dapat nga, naka manakit pa ‘yan at maraming madamay.”

          “Oh, how i abhor violence.”

          “Baka ‘ka mo manunuog pa ‘yan. Uso pa naman sa Maynila ang sunog ngayon.”

          “E kung ipa-confine natin sa mental?”

          “At sino ang magsu-shoulder ng bill?”

          Tapos ang kaso ni Minyong bago pa man pasimulan ang deliberasyon.

          Hindi naman sila parating ganoon kabilis magbaba ng hatol. Paminsan-minsan nama’y humane sila, ikan nga. Tulad halimbawa ng kaso ni Oasis at Armando, mga kaiskuwela rin namin.

          “Ipasa na natin si Oasis.”

          “Pero mababa ‘yan sa Physics.”

          “Sus naman, ito, e, talaga namang mahirap ‘yang klase mo.”

          “Thoughtful ‘yang batang ‘yan. Kahit saan ka makita ay panay ang good morning.”

          “Talaga. At prisintado agad ‘yan pag nakasalubong ka na maraming dala.”

          “How about Armando? Another cultural minority?”

          “Excuse me. He is not a thoroughbred minority. It is only the mother. The father is an Ilocano who migrated to Mountain Province.”

          “Ang sweet-sweet ng batang ‘yan. Manang-mana sa Tatay niya.”

          “Pogi pa talaga.”

          “You betDoctor pala ang ama n’yan.”

          “Ipapasa ko yan. Kaya lang naman ‘yan mababa, kasi matagal umabsent. Nagkasakit kasi.”

          “Ano, pasado na ‘tong dalawa?”

          “Approve.”

          Mahirap talaga sa mundo ang hindi pogi at walang amang duktor.

          “Come on in. Sit down.” Sabi ni Mrs. Moral Character matapos aking kumatok at papasukin sa kanyang cubicle. Inabutan ko siyang nagsasalansan ng mga libro.

          “Called your for two reasons. Regarding our lesson and your attitude in class.” Idiniin niya yung your attitude. Heto na naman kami sa loob-loob ko. Kung bakit kasi hindi na lang ako nagkasakit. Sana’y natuloy na ang lagnat ko para wala nang sermunang naghihintay.

          “Jojo, ang tao’y hindi pulos tiyan tulad ng gusto mong palabasin.” Sabi niya habang nakataas ang isang kilay.

          Huwag kang kikibo, paalala ko sa aking sarili. Konting tiis. Mahirap makipagtalo sa teacher. Ngiti ka lang basta. Titigil din pag nagsawa. Pero tipong wala siyang balak mag-short cut ng sermon.

          “Walang essence ang pinagsasabi mo kanina. Iyon ay isang halimbawa ng priori statementDo you get me?” Tumango naman ako.

          “Good. Now, alam mo sigurong wala kang pinanghahawakang data,which I happened to have. Panay speculation lang ang pinagsasabi mo at walang katuturan ito sa scientific worldOur lesson is more complicated than you thought. What you mean probably is the role of economic determinism in contemporary Philosophy, which is all together wrong. Bakit hindi mo gamitin ang power or elite approach? Behavioralism and trendngayon sa west. Bakit hindi ka makigaya?”

          Huwag mong pansinin, ngiti lang. Paalala ko uli sa sarili ko. Hayaan mo lang siyangn magsalita nang magsalita. Pasasaan ba’t mauubusan din iyan ng sasabihin. Pasok sa kanang tenga. Labas sa kaliwa. Siya ang teacher kaya ang pakiramdam niya’y siya lang ang pwedeng tama.

          “Do you get me?”

          Tango pa rin ako. At ngayon, ang part II ng kanyang sermon.

          “To be honest about it, I don’t like your attitude in class. Smart aleck!” Yuko na lang ako. Saka ako bumulong ng “I’m sorry, mam.”

          Kahit hindi ko siya tingnan, alam kong tatangu-tango siya sa tuwa. Lihim na namang pumapalakpak ang kanyang tenga sa tuwa. Napaamo niya ang suwail ng eskuwelahan. Sana’y kasing honest din niya ako, di sana’y nasabi ko ring “The feeling is mutual. I also don’t like you, mam.” Sa halip, ang nasabi ko na lang ay “Can i go now, mam?”

          “I’m not yet through.” Ibig pa palang sabihin, may part III pa ‘tong usapang ito.

          “They saw you in the chapel last night.”

          Diyos me, pati pala personal life ko’y pinakikialaman na rin nila ngayon, sa loob-loob ko. Naramdaman ko ang init ng kanyang titig sa aking mukha.

          “How young are you Jojo? Speak up.”

          “15, mam.”

          “15 and already you are...” Saka niya dinugtungan ng “I’ll let your mother know about this,” bago ako tuluyang lumabas ng kanyang cubicle.

          Gusto ko na talagang magwala. Gusto ko siyang balikan. Gusto kong isambulat sa mukha niya ang lahat ng hinanakit ko sa mundo. Sana’y kasing tapang ako ng gusto kong mangyari. Ano bang masama sa ginawa ko sa chapel? Magkahawak lang kami ng kamay ni Tess. Masama ba ‘yon? Siguro ang masama’y kung bakit biglang napasyal si Mrs. Gles-ing sachapel nang ganoong oras ng gabi. Kawawang Tess. Halos natitiyak ko nang gagawin na naman itong halimbawa ng mga Mrs. Moral Character ng kung ano hindi dapat maging ang isang babaeng estudyante. Si Mrs. Gles-ing, tiyak na halos pumasok ang dila sa ilong sa pagbabando ng kanyangscoop.

          Ano pa ang magagawa ko, di suntok na lang sa hangin at magbubulong na balang araw, kung mababaliw ako tulad ni Minyong, siguro’y hindi nila ikatutuwa, pero natitiyak kong ipagtataka nila kung bakit.

          Nasa lobby ang mga kabarkada kong alaskador.

          “Jojo, balita nami’y bida ka na naman.”

          “Hayaan mo ang mga hayupak na ya’t magsasawa rin yan.”

          “E, kasi naman, pa chapel-chapel pa kayo. Alam mo nang teritoryo ng mga santo yon.”

          “Kung nagmu-motel kayo, di wala sana silang alam.”

          “Tigil,” sabi ko.

          “Ano ba talaga ang ginawa nyo’t nagpuputok ang butsi ni Mrs. Gles-ing sa klase namin kanina?”

          “Isa pa to, anong magagawa ko sa chapel kahit ka may madyik, walang himalang mangyayari roon,” sabi ko.

          “Ligawan mo kaya si Mrs. Gles-ing?”

          “Tar....o, isa ka pa.” Buwisit na buhay ito, alaskado na naman ako.

          “Malay mo, baka lalong malahing Mrs. Robinson yon.” Saka sila nagtawanan. Nakitawa rin ako kahit naiinis na ako sa buhay.

          “Tara na lang sa Cubao,” yaya ko sa kanila.

          Yung isang round ng beer ay nasundan ng isa pa nga at isa pa ulit. Saka pinabuntunan ng one for the road. Kung gaano kabilis ang boto ngbeer ay ganoon din kabilis ang oras.

          “Ano ba talaga ang ginawa mo sa chapel?”

          “Ano pa. Di holding hands. Masama ba ‘yon? Para nagsumpaan lang kami sa harap ng altar na hindi maghihiwalay kahit ako ma-kick out. Kabastusan na ba iyon? Bakit kasi ang dudumi ng isip nila. Akala mo’y hindi nakipag-holding hands noong mga bata.”

          “Sila kaya, paano naging tao?”

          “Nagtinginan lang, nabuntis na.”

          Saka sila nagtawanan. Buti pa sila, kahit paano’y masaya. Ako yata, kahit sa paglilibang ay mga teachers ko pa rin ang nakikita. Sobra na ito. Bakit ba ayaw nilang makakita ng katotohanang iba kaysa kinagisnan nila? Bakit ba kasi gusto nilang maging kamukha nilang lahat ang tao sa mundo? Dahil ba sa kanilang palagay ay sila ang nakadiskubre ng mina ng talino at tama, kaya wala nang natira sa amin para diskubrihin? Pero hindi ba yung tinatawag nilang expertise, yung dalawampung taon sa serbisyo, ang ibig lang sabihin, isang taong karanasang pinatagal ng dalawampung taon?

          Ngayon ko lang naiisip, kung buhay siguro si Beethoven at kukuha ng eksamen sa eskuwelahan, kahit bilang estudyante o teacher ay titak na hindi siya tatanggapin. Philippine School for Science and Technology ito, ang eskuwelahan ng mga magiging scientists balang araw, tapos pakikitunguhan at ituturing na tao ang isang kung sinong bukod sa tamad magbihis ay madalang pang maligo?

          Si Einstein kaya? Hindi rin pwede, mabisyong tao yan. Bawal ang lasenggo sa klase. E, si Maxim Gorky kaya, ang greatest Russian writerpara kay Chekhov at Tolstoy, pwede kayang magturo ng comparative literature rito? Sa palagay ko’y hindi rin. Bukod sa wala siyang unit sa English ay wala rin siyang diploma sa education.

          Si Kristo kaya kung mabhuay ulit at magpunta sa Science? Maestro raw siya kahit walang M.A. at Ph.D. papapasukin kaya sa gate pa lang? Hindi pwede, kung makasalubong siya roon ni Mrs. Moral Character o ni Mrs. English, baka ma-shock pa ang mga ito. Palagay ko, ganito ang sasabihin nila. “Imagine, kay lakas ng loob, ang bastos naman ngappearanceLong hair, hindi nag-aahit, tapos nakasandalyas pa. Maano kung anak siya ng Diyos, wala naman siyang sense of dequorum.” Saka kung magsermon dito si Christ, baka mabuko lang siya ng “Who is your authority, where is your data, behavioralism na ang trend ngayon sa west. Bakit hindi ka makigaya?” Siguro kaya sa sabsaban na lang ang napilingbirth place niya, dahil kung sa Science siya ipapanganak, mababago ang kasaysayan ng Kristiyanismo sa mundo.

          Ay, sense of propriety at dequorum, talagang nakatataranta. Clean cut (pagsuklayin mo si Einstein). White polo shirt at black pants(pagdisentihin mo si Kristo). Naiisip ko tuloy kung propriety rin yung tawag sa mga teacher kung makadamit civilian sila kapag Miyerkules. Yun bang parang a-attend sila ng party. Yun bang ang tipo ng tela ay mapapansin agad at mapagsasabihang “Ang ang ganda, saan mo nabili? Siguro ang mahal ano?” Na sasagutin naman ng kausap na “Mura lang yan, gawang Rustan.” At para talaga mapansin, kailangang humahalimuyak din sila sa bango. Yung parang walking pharmacist. Saka kukulayan ng brilyante ang tenga, leeg, dibdib, braso at mga daliri. Sa kanilang ganda at ningning, para kang nanakita ng X’mas tree sa isang mahal na araw. Yun ang propersa kanila.

          Kung sa bagay, hindi na maiino yon. Noong gabing mahuli kami ni Tess ni Mrs. English, noon ko lang napansin ang ayos ni Kristo. Ininsulto raw ito ng mga Hudyo kaya ipinako nang hubo sa krus. Pero naiinsulto sa hubo ang mga Mrs. Moral Character, Mrs. English, Mrs. Spermatozoa, Mr. Mathemathecian, at Mr. Discipline at kanilang mga katribo. Kaya siguro nila tinakpan ang kahubdan ni Kristo sa pelus na nangingintab sa dami ng borloloy. Si Virgin Mary ay asawa ng hamak na karpintero, pero sa bikas niya ngayon ay nistulang peacock at X’mas tree na rin siya. Pati nga ang kanyang luha ay ginawang perlas.

          Ang hindi nila naging kamukha ay agad nilang napapansin. Ang taong naniniwala sa sarili ang gusto nilang lapastanganin. Sino nga ba naman si Jojo sa kanila na “isang kung sino lang.” Noon kayang mga estudyante pa sila, nakapasa kaya sila sa ScienceScholar din kaya sila? Pero bakit naging teacher lang sila sa loob ng mahabang panahon? Iyon lang kaya ang alam nila sa buhay, ang magturo? Para silang hindi naging bata. Para bang nang ipanganak sila’y alam na nila ang lahat ng bagay. Baka akala nila’y biru-biro ang maging estudyante. Yun kayang conduct nila sa klase noong araw ay panay uno? Kung talagang hindi sila nagkakamali, dapat itong i-report agad sa Santa Papa sa Roma. Nasa Pilipinas lang pala ang mga living saints.

          Alin na lang kaya ang pwedeng pakialaman? Saan kaya pwedeng maging bida sa mundo? Buti pa referendum, kasali kami. Alin kaya ang mahalaga, ang kapalaran ng Pilipinas o ang moral character? Yung kapalaranng Pilipinas pwedeng isugal, pero kung sino ang mas seksi, si Alma Moreno o si Elizabeth Oropesa ay hindi naman pwedeng pagpasiyahan, for adults lang kasi yon.

          Ops, nakadi-jingle mag-isip. Yung barkada, iba na ang usapan.   
         
          “Lagyan kaya natin ng thumb tacks yung upuan ni Mrs. English.”

          “Di aaray ‘yun!”

          “Hi-hi-hi.”

          Buti pa sila at nakukuhang ngumisngis. ako kaya, kanino pwedeng magreklamo? Sulatan ko kaya si Valencia? Baka naman sagutin ako nito ng “Uminom ka ng kape.” Si Marcos kaya? Santambak ang problema nito sa buhay, biro mong problemahin nito pati kapalaran ng Pilipinas, tapos ipasasagot pa ito sa kanya sa kasaysayan, paano ako nito mapapansin? Mag-report kaya ako kay Carter, issue rin ito ng human rights, ang kapalaran ng mga sinasadistang estudyante, pero mahirap namang um-Ingles. Saka interesado lang ito sa giyera na naluluma sila.

          Sa Diyos na lang kaya ako susulat? Pero nasa lahat ng lugar at sulok daw ito, kaya tiyak na alam na Niya ang problema ko. Bakit nga pala sa sermon on the Mount of Sinai wala yung “Blessed are the poor students for they shall inherit...” siguro’y dahil wala na siyang langit o lupang pwede pang ipamana sa iba.

          Ayaw kong maging Minyong. Kailangang magsalita na ako, baka ako mabaliw. Ayaw kong maging robot, ayaw kong maging bato. Hindi balengdrop-out, basta tao lang ako. Maliit ang comfort room kung doon ko isusulat ang aking mga sumbong. Marami na roong mauna. “What you’re holding now is the future of the fatherland.” “IF you can reach this high, you shall be great.” “Ibagsak ang pasismo.” “LABAN.” “Alpha Phi Omega.” “Wanted pen pal.”
 
          Magrereklamo rin ako sa pader kung kailangan, hanggang may makabasa at makarinig ng aking sumbong. Pero sa ngayon, idi-
jingle ko na lang muna ang sama ng loob.
 
-###-
Sanggunian: Cordero, Aurora S. & Magbaleta, Corazon G. Usbong: Wika at panitikan 4.          Mega-Jesta Prints, Inc. 2002

4 comments: