Tuesday, December 11, 2012

Ang inahing aso at limang tuta


ni Pedro S. Dandan

          Sinundan ng aso ang babae sa harap ng halaman at ikiniskis ang tagiliran sa saya nito. Yumuko ang babae at hinimas ang ulo ng aso. Ikinawag ng aso ang kanyang buntot at ang kanyang mahinang tahol ay lumutang sa katahimikan ng gabi.

          Hinango na ng babae ang balanga ng nilugaw sa kalan at inilipat sa dikin. Hinati niya iyon sa apat na tasa. Ang para sa kanya ay binawasan niya  at ipinuno sa nakalaman sa pinakamalaking tasa na ukol sa kanyang bunsong anak, kay Doming.

          Pabuntut-buntot ang aso sa kanyang likuran, samantalang inilalagay niya nang isa-isa ang mga tasa ng nilugaw sa mababang hapag-kainan. Kung minsan ay natitingin siya sa aso at saka mapapailing.

          Umupo na sina Lauro, Into at Doming sa harap ng hapag. Hindi muna nila tininag ang kutsarang nakalapag sa tabi ng tasa. Nakaugalian nila, tuwing bagao kumain, na hintaying pagdaupin ng kanilang ina ang mga yayat na daliri nito at usalin sa labi ang isang maikling panalangin.

          Hindi pa natatapos ang dalangin ng babae ay dinampot na ni Doming ang kanyang kutsara. Pinasagian siya ng mapanuring tingin ng kanyang nanay, at itinungo ni Doming ang kanyang mukha na tulad sa isang bulaklak na nabakli sa tangkay. Lihim na nalungkot ang babae.

          Buhat sa apat na tasa ng nilugaw ay nagbabangon ang maputing usok. Napaso sa Into nang mapabigla ang pagsubo sa kutsara ng nilugaw at nagluha ang kanyang isang mata. Ngumanga siya upang huwag sumayad ang nilugaw sa labi at sa ngalangala. Inilinga ang kanyang mukha sa pangambang may makaino, at nakita niya na nakatawa si Lauro.

          Ang aso ay nasa likuran ni Lauro at tatanaw-tanaw. Kung minsan ay tatayo at ikakawag ang buntot. Nakikita ng babae ang aso. Ang mga buto sa tagiliran nito ay halos lumusot sa balat. Ang mga tingin ay tila may ibig sabihin. Ang mga tahol ay himig sumasamo.

          Ang aso ay matibay na kawing ng kanyang alaala sa asawang nasa malayo...Pagkatapos mawala ng may limang buwan, au walang kaabug-abog na tumawag ito isang hatinggabi. Nang buksan ng babae ang pinto, nakaungos ang puluhan ng baril sa bulsa sa likod ng pantalon, at bitbit ang isang bayong na may lamang bigas, isang piling ng saging at kamoteng-kahoy.

          Inilapag ng babae ang ilawang tinghoy at kinuha ang bayong sa kanyang asawa. Nasa likuran niya ang tatlong bata na bagong gising at pupungas-pungas. Hindi kaagad napagsino ni Doming ang kanyang tatay: ang balbas ay nakikipag-agawan ng lago at haba sa buhok na nakalitaw sa sambilong balanggot, at may mga amorsekong nagkapit sa damit. Nakalipas ang ilang saglit bago humalik ng kamay sa kanilang ama ang magkakapatid.

          Pagkaraang idampi ang mga labi sa noo ng bunso ay ipinanhik ng lalaki ang aso. Nagningning sa katuwaan ang mga mata ng tatlong bata at napakalakas ang tinig ni Into: “Naku, may aso tayo, maganda!”

          Dali-daling tinakpan ng babae ang bibig ng kanyang anak at ibinulong: “Huwag kang maingay, baka may makaalam na dumating ang iyong tatay.”

          “Bakit, masama po ba?” Ang paanas na tanong ni Doming.

          “oo, masama,” ang tugon ni Lauro, na tila nauunawaang mapanganib ang kalagayan ng kanilang tatay.

          Bago magbukang-liwayway ay nagpaalam na ang lalaki. Sinabi niya sa kanyang kabiyak na huwag pababayaan ang aso, sapagkat iyon ay kaloob sa kanya ng isang matalik na kaibigang gerilya na napatay ng mga Hapones sa isa sa mga pakikipagsagupa niya. Ipinangako niya sa kanyang mag-iina na siya ay babalik...tiyak na babalik...

          Sapul noon ay mahigit na isang taon ang tinalikdan. Ang aso ay napalapit sa puso ng mag-iina, naging isang buhay na tagapagpagunita sa kanila ng nalalayong kabiyak. At naging palatandaan din nila ng pag-igting ng mga pangyayari – ng unti-unting pagsakal sa kanila ng malulupit na daliri ng kagutuman.

          Samantala...ay naging matiim sa pang-unawa ng babae ang larawan ng buhay na nagdaraan sa kanyang mga paningin: Ang pakikipag-agawan ng aso laban sa kanyang kapwa hayop at kung minsan ay sa tao upang may mailaman sa hungkag na tiyan buhat sa mga basurahan, tambakan, o likuran ng pamilihan, at ang matiyagang pagsabang ng daga o bubuwit kung gabing kalaliman sa mga silong ng barung-barong, upang pagkaraan ay yumupyop sa piling ng limang tutat at ihandog ang katas ng buhay sa kanyang dibdib.

          Ang mga bagay na ito ay lalong nagpatibay sa kalooban ng babae sa harap ng mga di-maiiwasang katotohanan. Hindi ikinabalino ang pananakit ng kanyang likod at pag-ubu-ubo kung gabi. Madaling araw pa lamang ay gumigising na siya. Kasama si Lauro, ang kanyang anak na panganay, ay nagtutungo sila sa harapan ng pamilihang-bayan upang pumakyaw ng gulay at pagkatapos ay ipagbili nang tingian, samantala, si Into at si Doming ay naglalako naman ng mane o pira-pirasong laman ng niyog sa pook na matao.

          Sa ganito sila nabubuhay sa araw-araw, hanggang sa tumaas ng abot-langit ang halaga ng bigas. Kinailangang magtiis sila sa niyog sa umaga, nilugaw sa tanghali at gayundin sa gabi. Bihi-bihira nang makatikim ang aso ng kanilang pagkain. Nabubuhay ito, sa kanyang sariling paraan, bagama’t kung minsan ay hindi niya matiis na di ipagtira ng kaunti sa kanyang kinakain.

          Katulad nang gabing iyon ay hindi niya inubos ang kanyang nilugaw. Inilagay niya ang nalabi sa bao na kakanan ng aso. Sinabawan niya ng kaunting tubog, at sa sandaling malayo siya ay sinugod na iyon ng aso. Naririnig niya ang nalilikhang ingay sa lalamunan ng aso samantalang nginangasab ang pagkain.

          Matapos mailigpit ang kinanan ay inayos ni Into ang kahong gamit niya sa paglalako ng mane. Si Doming ay lumapit sa limang tuta na nasa isang sulok ng barung-barong at natutuwang pinanood ang mga mata sa isang panig ng baul upang magbasa ng aklat na gamit niya sa paaralan noong hindi pa sumiklab ang digma.

          Nahiga ang aso sa lapag pagkaraang masimot ang laman ng bao. Kapagkuwa’y tumayo at lumapit sa limang tuta na nilalaro ni Doming. Nag-ingit-ingit ang mga ito habang hinahanap ng mga bibig ang dibdib ng nakayupyop na aso.

          Naghikap si Doming. Umusad siya at iniunan ang ulo sa kandungan ng kanyang ina na nagtutustos ng kamisetang walang manggas na yari sa makapal na sako. Nakikita ng babae ang limang tuta samantalang sumususo ng katas ng buhay sa dibdib ng aso...

          Yaon ang huling gabi ng aso sa kanilang buhay. Kinabukasan ay hindi na nila nagisnan ito. Marahil ay nahuli ng mga tauhan ng city poundna noo’y malimit maglibot na tulak ang isang karitong pinipilit matigib ng mga asong naglaboy sa lansangan.

          Pagkahirap-hirap man ng pagkita ng pera, ay sinikap ng babaing makaipon ng halagang pantubos sa aso, kahit mangahulugan iyon ng malaking kabawasan sa dapat mapaukol sa kanilang bibig. Nguni, noon ay naaaring mabili kahit yata anumang bagay. Ang isang aso ay nagkakahalaga ng dalawa hanggang tatlong daang piso. At ang babae ay nawalan ng pag-asang matagpuan pa ang iniwang “alaala” ng kanyang kabiyak.

          Naging isang suliranin sa mag-iina ang limang tutang naulila. Bagama’t niyog ang kanilang ipnagtatawid-gutom sa tanghali at sa gabi na lamang ang nilugaw, ay ipinaglalaan pa rin niya ng kaunti ang limang tuta. Hinagango niya ang nilugaw sa isang malapad na basahan, ibinibilot at ipinakakatas sa mga tuta.

          Sa ikaanim na araw, mula nang maulila ang limang tuta, ay namatay nang magkakasunod ang tatlo sa mga ito. Noon niya narinig kay Doming ang hiling na iluto ang dalawang tutang nalabi.

          Nagbingi-bingihan siya sa sinabi ng bunso. Nguni, nang ilibot niya ang kanyang mga paningin ay nakita niya sa anyo ng kanyang mga anak ang maputlang larawan ng kamatayan, at naramdaman niya ang biglang panlulupaypay ng kanyang matinong pangangatwiran. Gayunman hindi niya ipinasupil ang pagpapahalaga sa alaala ng isang nasa bundok.

          Ang nalabi sa mga piraso ng niyog na inilako nang hapong iyon nina Into at Doming au inihanda ng ng babae sa hapag. Katulad ng dati ay nag-ukol siya ng ilang saglit na pasasalamat sa Maykapal, saka nagkani-kanya nang abot sa pinggan. Hindi siya makatingin sa kanyang mga anak habang sila’y kumakain.

          Nauna si Doming na natapos sa pagkain. Lumapit siya sa baul ng mga tuta, at nang mahipo niyang matitigas na rin ang dalawang nalalabing buhay ay napasigaw siya: “Inay, patay na rin ang dalawang tuta! Kasi, hindi pa ninyo iniluto.”

          Katulong niya angn tatlong bata nang ilibing nila ang limang tuta sa ilalim ng hagdan. Ang mga kamay ng tatlong bata ay siyang kumakahig sa lupa hanggang sa matabunan ang limang tuta at malikha ang isang munting puntod.

          Si Doming ang kahuli-hulihang pumanhik. Pinabaunan pa nito ng pahimakas na tingin ang pinagbaunan ng limang tuta bago tuluyang ipininid ang pinto...

          Maagang naglatag ang babae. Sa pagkakahimbing ay malilimot nila ang masidhing pangangalam ng sikmura. Nahiga siya sa tabi ng kanyang bunso, at pagkalipas ng mga sandali ng pagpapalaot ng muni sa walang katiyakang kalagayan nilang mag-iina, ay nakalimot na ang kanyang nahapong diwa.

          Kinahatinggabihan ay nagising siya na kakapa-kapa sa kanyang tabi. Hinahanap niya ang init ng katawan ng batang lalaking kapiling niya kangina, at nang matiyak na nawala ito ay siniklot ng agam-agam ang kanyang puso.

          Nakita niya na nakabukas ang kanilang pinto. Bigla siyang napatindig, at isang hakbang ay nasapit niya ang bungad. Maliwanag noon ang buwan. Kitang-kita niya na nakapukol sa lupa ang anino ni Doming na nakatalungko sa may ilalim ng hagdan at may kung anong kinukutkot sa lupa.

          Nadarama niya sa kanyang puso ang kaselanan ng damdaming makapangyayari sa kanyang bunso nang mga sandaling yaon. Ipinatong niya ang isang kamay sa balikat nito. Marahang-marahan. Nagitla ang bata at biglang itinago sa likod ang kamay na may hawak-hawak. Iyon ang hiningi niyang pilit. Si Doming ay yumakap sa kanya at umiiyak na sinabi: “Nagugutom ako, Inay, e. Nagugutom ako...”

          Kinagat na lamang ng babae ang kanyang labi. Kinalong niya ang anak at ipinanhik sa barung-barong. Naupo siya sa baul at inawitan ito. Sa dibdib niya ay pinilit pagtibayin na may umaga pang darating. Lumambing ang kanyang pag-awit kay Doming.
-###-

Sanggunian: Gonzales, Bro. Andrew FSC At Bisa, Simplicio P. Sangwikaan: Sining ng
 komunikasyon para sa mataas na paaralan. Phoenix Publishing House, Inc.
1995

2 comments: