Saturday, November 10, 2012

Alamat ng Sampaguita


ni Antonio, Emilio Martinez

Kapuwa lumaki sina Nita at Desto sa isang liblib na nayon na napakalayo sa lungsod ng Maynila. Gayon man, ay kinamulatan nilang nayonay sagana sa biyaya ng kalikasan, kaya’t sila’y nabubuhay nang masagana at mapayapa.
          Sa Nita ay siyang tinataguriang “tala ng nayon” dahil sa kaniyang tinataglay na pambihirang kagandahan. Hugis-puso at may mga labing kakulay ng saga. Nguni’t tangi sa angkin niyang kagandahan, taglay din ni Nita ang likas na kahinhinan at napakagiliw siyang kausapin.
          Si Desto ay isang naming makisig na binata, may matipunong pangangatawan, malakas at masipag. Siya ay magiliw ding mangusap at may kilos-maginoo. Kaya’t sa bunton ng mga nagingibig kay Nita, si Desto ang naging mapalad sa puso ang dalaga.
          Sa lilim ng isang malagong punong kahoy na nakayunyong sa isang batis, makailang ulit na magsumpaan sina Desto Nita, na sila ay magmamahalan sa habang buhay. Gayon man, sa puso ng dalaga ay madalas na mamahay ang pangamba.
-      Natatakot ako, Desto, nab aka baling araw ay makalimot ka rin sa
Akin, - ang minsa’y nasabi tuloy ni Nita sa kasuyo.
-      Huwag kang mag-isip ng ganyan, - ang matatag na tugon ni Desto. –
Maaaring malimot ko ang lahat ng bagay sa mundong, nguni’t kailanma’y hindi kita malilimot, Nita. Lalong hindi ko malilimot an gating sumpaan.
-      Nguni’t paano nga, kung ako’y iyong malimot? – usig pa rin ng dalaga.
-      Narito Nita ang aking matalim na punyal. – sabay abot sa dalaga nag
Hawak na patalim. – Sa sandaling magtaksil ako sa iyo ay maaaring gamitin mo ito upang kitilin ang aking buhay.
          Sa sinabing ito ng binata ay naging payapa na ang kalooban ni Nita. Umasa siyang hindi sisirain ni Desto ang matibay na kapangakuan nito.
          Subali’t nang mangibang bayan si Desto, pagkaraan lamang ng ilang buwan, ay nabalitaan ni Nita na ang katipan niyang binata ay napakasal sa ibang dalaga na higit na mayaman sa kanya. Lubos niyang natalos na tutuo pala ang gayong balita, at nakilala ni Nita, na ang marupok na puso ni Desto ay madaling  masilaw sa kislap ng salapi.
          Gayon man, malabis na dinamdam ni Nita ang paglililo ng katipan. Hindi mapagkatulog ang dalaga at parang ikamamatay niya ang ginawang iyon ni Desto. Nagunita tuloy niya ang matalim na punyal ma ipinagkaloob sa kaniya ng dating katipan.
          Isang gabing kabilugan ang buwan, ay nanaog si Nita nang palihim at nagtuloy sa may  lilim ng punong-kahoy na dati nilang pinag-uulayawan ni Desto. Pagdating niya sa tabi ng batis na iyon, ay inilabas sa kaniyang sukbitan ang matulis na punyal at iniukit sa balat ng punongkahoy na iyon ang salitang SINUSUMPA KITA.
          Ang ibig-sabihi’y sinusumpa niya ang naglililong si Desto.
          Pagkatapos tumungala si Nita sa langit at nagdasal;
-      Mahal naming Bathala, kung mabubuhay po ako nang lagging
Maligalig sa mundong ito sa habang panahon... kunin mo na po ako... at pinatatawad ko na siya!...
          Sa kung anong himala, matapos bigkasin ni Nita ang dasal na iyon, ay biglang naglaho ang liwanag ng kabilugang buwan. Nagdilim ang langit at gumughit ang matatalim na kidlat! ... at nang gabing yaon ay naglaho rin ang buong katauhan ni Nita.
          Kinabukasan sa paghahanap ng mga magulang ni Nita, natagpuan ng mga ito ang punyal na nakatarak sa balat ng punongkahoy na kinatitikan ng mga salitang SINUSUMPA KITA. At pagkaraan pa ng ilang araw, sa paligid ng punong kahoy na iyon, ay may nagsitubong mga halaman, na ang mapuputing bulaklak ay may mahinhing bangong nanunuot hanggang sa kaibuturan ng puso ng mga tao.
          Dahil sa ganap na paglalaho ni Nita, ang mga halamang iyon na nakapaligid sa nakaukit na salitang SINUSUMPA KITA ay tinawag ng lahat ang mga iyon na SAMPAGITA.

No comments:

Post a Comment