Saturday, November 10, 2012

Alamat ng Tatlong Pulo


ni Antonio, Emilio Martinez

          Sa isa sa mga pulo na nasa baybayin ng Dagat-Bisaya, na kung tawagin ay Buhul, ay may naninirahang mag-asawang napapabantog dahil sa kanilang tatlong anak na dalagang nagtitimpalakan sa kagandahan. Ang mag-asawang yaon ay kilala sa taguring Tandang Kaloy at Impong Inday. Ang tatlong marikit na anak nila ay kilala naman sa mga palayaw na: Loleng, Isyang at Minda.
          Dahil sa matinding pagmamahal nina Tandang Kaloy at Impong sa kanilang tatlong anak na dalaga ay naging malabis din ang pagpapalayaw nila sa mga ito. Sa buong maghapon, tulad ng mga nimpa sa batisan ay wala silang ginagawa kundi magpalipas ng masasayang oras sa baybaying-dagat.
          Si Loleng ay lagging namumulot ng sigay at kabibe sa dalampasigan, si Isyang ay nangunguha ng maliit na bato sa buhanginan at si Minda ay lagging naglilibang panonood ng mga along humahalik sa kabatuhan. Anupa’t silang tatlo ay naroong mag-awitan, magtawanan at maghabulan sa baybay-dagat na iyon,
          Sa hangad na Impong Inday na huwag gumaspang ang makikinis na palad ng kaniyang tatlong anak na dalaga, siya na ang bumalikat sa lahat ng gawaing pantahanan at mga Gawain sa kanilang bakuran. Maging si Tandang Kaloy ay nagtitiis na maghanapbuhay na mag-isa masunod lamang ang kalayawan ng mga anak na dalagang pawing magaganda.
          Bunga ng gayong malabis na pagpapalayaw, sina Loleng, Isyang at Minda ay lumaking batugan nang magsipagdalaga na nga ay naging mapagmalaki, mapagpalalo, mapanghamak at mapang-api sa kanilang kapuwa. Kaya, kahi’t na sila’y magkaagaw sa karilagan ay walang matinong binatang nagkamaling mamintuho sa sino man sa kanila.
          Sa paglipas ng mga araw sa gayong patuloy na maling pagpapasunod nina Tandang Kaloy at Impong Inday sa kanilang mga anak, inibig ng Tadhanang sabay na magkasakit ang mag-asawa. Naratay sila sa banig ng karamdaman nang hindi man lang naturuan ang kanilang mga anak ng wastong paggawa sa loob ng tahanan at kung paano nararapat mamuhay ang isang tao sa mundong ito. Kaya’t nang lumubha ang kani-kanilang at hindi makabangon ang mag-asawa ay wala man lamang magdulot sa kanila ng pagkain.
-      Ipagluto ninyo kami ng pagkain... Bigyan ninyo kami ng kahi’t
kaunting linugaw! – ang daing ng mag-asawang Kaloy at Inday nang sila’y gutom na gutom na.
          Nguni’t walang sinumang kumilos sa tatlong magkakapatid. Sila’y nagturu-turuan, sapagka’t pawa silang inaalihan ng katamaran at kapanaghilian.
          Sa poot ng mag-asawa ay naibulalas nila ang matinding sumpa na: sana ay maging lupainng naliligid ng tubig ang bawa’t anak nila, upang huwag pamarisan ang masamang ugali ng mga iyon. At nang maibulalas ang gayong sumpa ay tuluyan nang namatay sina Tandang Kaloy at Impong Inday.
          Pagkaraan ng ilang araw, matapos na mailibing ang bangkay ng mag-asawa, ay tumalab ang sumpa ng yumaong magulang sa kanilang mga anak na suwail.
          Isang hapon, samantalang sina Loleng, Isyang at Minda ay nagsisipanguha ng sigay at kabibe sa baybaying-dagat, isang matandang lalaki na may hawak na tungkod, ang biglang sumipo sa kanilang harap. Nangagulat sila at ibig nilang tumakas, nguni’t isang hiyaw ng matanda ay parang napatda ang kanilang mga paa sa buhangin at hindi sila makalakad.
-      Ang sumpa sa inyo ng inyong mga magulang, - anang matanda, - ay
Sumukdol sa langit, kaya bilang parusa, ngayon din, kayo’y magiging tatlong pulo sa baybaying ito ng Dagat-Bisaya. – Pagkasabi niyan ay isa-isang tinumbok ng hawak  na tungkod ang tatlong magkakapatid at parang bulang nawala na ang matanda, kaalinsabay ng paglalaho ng maririkit na dalaga.
          Kinabukasan noon, namangha na lamang ang mga tao nang makitang may tatlong pulo na lumitaw sa may paanan ng pulong kilala ngayon sa tawag na Bohol. At mula naman noon, tuwing hatinggabi, ang mga naninirahan sa baybayin ng Dagat-Bisaya ay nakarinig ng malulungkot na  daing, na ipinalalagay nilang daing ng tatlong dalagang magaganda na naging suwail sa kanilang magulang.

1 comment: