ni Antonio, Emilio Martinez
May isang munting nayon sa Bulakan, na kung tawagin ay Daang-Bato. Ito ay isang nayong nasa gilid ng mahabang ilog. Kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag na Daang-Bato ang nayong ito ay siya kong isasalaysay sa inyo ngayon, buhat sa pinaghanguan kong sali’t-saling sabi ng matatanda sa aming bayan.
Noon daw araw ay may isang napakagandang dalagang naninirahan sa may pook ng Wakas na nasasaklaw ng mahabang nayon ng Kabambangan. Ang marilag na dalagang ito ay kilalang-kilala sa buong Bulakan sa palayaw na Nitay.
Marami, napakaraming binata ang nahahaling sa pambihirang kagandahan ni Nitay. May mayaman, may mahirap, may anak ng kabesa at may magsasaka, ang halos ay mabaliw sa pangingibig sa dalagang ito na may mukhang hugis-puso, may matang mapupungay, katamtaman ang tangos ng ilong at nakakahalina kung ngumiti.
Subali’t si Nitay ay may katutubong loob sa Diyos. Maliit pa siya ay kinahihiligan ang manalangin bago matulog at pagkagising kung maaga. Hanggang sa maging husto sa gulang ay may panata ang dalaga na, tanging sa Diyos lamang siya maglilingkod. Kaya sa ganang sarili niya ang mga lalaki ay pawing tukso lamang na makakasira ng kaniyang panata.
Gayon man, si Nitay ay ayaw tantanan ng mga nagsisipamintuho. Sa gayon ay naisip ni Nita yang isang paraan upang maputol ang pangingibig sa kaniya ng mga binata.
Isang araw ay pinulong niya ang lahat nang namimintuho sa kanya at gumawa siya ng isang mahalagang pahayag.
Yamang kayo ay mapilit ng pangingibig sa akin, isang bagay lamang ang hihilingin ko sa inyo na mula sa tapat ng bahay naming ito, ang lubak-lubak na lansangang nakikita ninyo ay tatambakan sana ninyo ng napakaraming bato hanggang sa may harap ng simbahan sa kabayanan, sa loob lamang ng magdamag na ito. Sino man sa inyo ang makatupad sa kahilingan kong iyan ay siyang mag-aari ng aking puso.
Natigilan ang lahat nang binata. Isa-isa silang nagsi-alis pagka’t nalalaman nilang may anting-anting lamang ang makagagawa ng kahilingan ng dalaga.
Nang makaalis na lahat ang napipilang mga namintuho, isang makisig na lalaki ang biglang sumulpot sa harap ni Nitay
- Marilag na Binibini, - mapapalong wika nito, - ako ay isang talisuyo
ng iyong alindog. Bigyan mo ako ng pagkakataong maisagawa ang iyong kahilingan. Bukas ng umaga ay magigisnan mo na, na ang inyong lansangan at nalalatagan ng mga bato, - at biglang hinagkan nito ang kamay ni Nitay.
Nagulumihanan si Nitay, pagka’t ang kanyang kamay na hinagkan ay parang napaso ng apoy, saka pagkatapos ay nawala ang kausap na lalaki.
Kinagabihan noon ay hindi nakatulog ang mga taga Wakas dahil sa kakaibang ingay na kanilang naririnig. Higit ang pagkabalisa ni Nitay. Nang sila’y sumilip sa mga butas ng dingding at siwang ng mga bintanang pawid ay gayon na lamang ang kanilang sindak nang Makita ang maraming anyong tao na bawa’t isa ay may dalawang pakpak, dalawang sungay at isang buntot; at ang mga iyon ay walang humpay sa kalilipad t kahahakot ng mga batong kung saan-saan nanggaling.
Nang msakisihan ni Nita yang gayon, bagama’t siya’y kinilabutan ay natalos naman niya, na ang kaniyang kausap na binata kangina ay isang alagad ni Satanas. Kaya’t dali-dali niyang kinuha ang Mahal na Sta. Cruz sa kanilang altar at buong tapang na hinarap niya ang mga nagsisipagtambak ng bato sa kanilang lansangan.
Isang Diyablo ang nagtakip ng mukha, na parang nasisilaw sa iniharap na dala-dalang kurus ni Nitay. Bawa’t alagad ni Satanas na makamalas sa dalang kurus ng dalaga ay umuungol na nagisilayo hanggang lamunin silang lahat ng kadiliman ng gabi.
Mula noon, ang lansangang naiwan ng maraming baton a kung saan-saan kinuha ng mga alagad ni Satanas, ay tinawag ng mga Kabambangan, na DAANG-BATO
No comments:
Post a Comment