Saturday, November 10, 2012
Alamat ng Mag-Asawang Sapa
ni Antonio, Emilio Martinez
Sa matulaing bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulakan, ay may isang munting nayong kung tawagin hanggang ngayon ay Mag-asawang Sapaa. Kung bakit tinawag na Magasawang-Sapa ang nayong ito ay basahin ninyo ang maikling alamat na ito na nagkasalin-salin sa labi ng maraming matatanda
Sa isang nayon sa bayan ng Sta. Maria, na may pinakamaraming puno ng mangga at may malawak na bukiring pinag-aanihan ng saganang palay, ay may isang mayamang angkan na wala naming naging anak kundi isang dalagang may pambihirang kagandahan. Ang matamis na palayaw ng dalagang iyon ay Epang at ang tunay na pangalan ay Josefa. Dahil sa kagandahan ni Epang ay maraming binata ang nagsasadya sa kanilang tahanan upang makipagsapalaran sa pag-ibig.
Nguni’t sina Mang Andoy at Aling Berta, na mga magulang ng dalaga ay napakasungit, kaya malabis ang paghihigpit kay Eapang. Sino man ang binatang pumapanhik ng ligaw ay nabibigong makausap si Epang. Ang dalaga ay pinamamalagi sa loob ng sarili niyang silid at ang nakikiharap lamang sa mga namimintuho ay si Aling Berta.
Dahil sa gayong masamang ugali ng mga magulang ni Epang, ang lahat ng binata sa buong nayong iyon, maging mayaman o mahirap, maging mangmang o marunong, ay nagkaisang huwag nang pakitunguhan ang masungit na mag-anak. Sa gayong paglayo ng mga binata ay inabot ni Epang ang magdanas ng matinding kalungkutan sa buhay.
Subali’t isang umaga, na kaaalis lamang ni Aling Berta upang mamili ng ulam, sa kabayanan at si Mang Andoy naman ay katutungo rin sa kanilang tumanaan, sa pamimitas ni Epang ng mga bulaklak sa kanilang hardin ay bigla siyang nakarinig ng isang tinig na tumawag sa kanya;
- Epang!... Epang!
Nang lumingon ang dalaga ay nakita niya ang isang binatang makisig.
Nakatinging lumapit sa kaniya ang binata at masuyong nagsalita:
- Epang, nakikilala mo pa na ako?
- Naku, ikaw pala, Running!- At nagunita ni Epang na si Running ang
Dating kalaru-laro niya sa kanilang tumana noong sila’y maliliit pa. Nguni’t napalayo ito nang ang mga magulang ni Runing ay magsipagsaka sa ibang nayong nasa kabila ng malaking sapa. Kaya’t matagal silang nagkalayo ng binatang ngayo’y isa nang makisig na magsasaka.
- Bakit ka naligaw ditto sa amin? – tanong ni Epang sa kababata.
- Sapagka’t gabi-gabi’y napapanaginip kita, Epang. Napakaganda mo
nga pala ngayon. – at ang buong pananabik na tinitigan ni Runing ang dalaga.
Napayuko si Epang, nguni’t parang biglang lumigaya ang kaniyang puso.
Mula noon, tuwing gabing kabilugan ang buwan ay lihim silang nag-uulayaw ni Runing sa kanilang hardin. Madaling nagkaunawaan ang kanilang mga puso hanggang sa sila ay magsumpaang; kamatayan lamang ang makahahadlang sa kanilang pag-iibigan.
Nguni’t lingid sa kaalaman ng dalawa, lihim palang sinusubaybayan ni Aling Berta ang bawa’t kilos ni Epang. Isang gabi ay nagtulug-tulugan si Aling Berta; at nang maramdamang nanaog si Epang ay lihim na sinundan ito sa kanilang halamanan. Kaya’t nasaksihan niya ang pakikipag-ulayaw ng anak na dalaga kay Runing.
- Walang bait na anak! – ang malakas na sigaw ni Aling berta, matapos
Lumapit sa dalawang nagsusumpaan sa pag-ibig. – Diyata’t nagagawa mo, anak, ang pakikipagtagpo sa walang hiyang ito? DIyata’t sa halip na sundin mo ang aking mga tagubilin ay lihim mo pang inaalisan ng dangal ang iyong magulang?... Isinusumpa ko kayong dalawa! At bilang parusa ay hindi na kayo makaaalis sa inyong kanauupang bangkong-kawayan iyan.
- Inang!... Inang!... Pa... ta... wa... – at nagtangkang tumindig si Epang,
nguni’t hindi na niya maangat ang kaniyang bumigat na mga paa. Gayon din di Runing, hindi na rin nakatinag sa kaniyang pagkakaupo.
Mula noo’y lumuha nang lumuha ang magkapiling na magkasintahang hindi na nakakilos sa pagkakaupo. At nang biglang kumulog at kumidlat, ay parang usok na naglaho ang magkasuyo; nguni’t sa pook na kanilang inupan ay sumipot ang magkatabing sapa, na kung tawagin hanggang ngayon ay Mag-asawang Sapa na naging pangalan tuloy ng nayong iyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment