Saturday, November 10, 2012
Alamat ng Malbarosa
ni Antonio, Emilio Martinez
Umano ay may isang malupit na sultang naninirahan sa isa sa mga pulo s Kabisayaan. Ang sultang ito, bagama’t hindi kinagigiliwan ng kaniyang nasasakupan, ang kanya naming kaisa-isang anak na magandang dalagang si Rosa ay siyang pinagbubuhusan ng paggalang at pagmamahal ng madla. Dahil sa kayumian at kabaitan ng Prinsesa, ang anumang iutos ng mabagsik na Sultan ay pinagbibigyan pa rin ng mga tao.
Sa mga lihim na namimintuho kay Prinsesa Rosa ay dalawang pinuno ng Hukbo ng Sultan ang mahigpit na nagkakaagaw. Ang mga ito ay sin Malbar at Matanglawin.
Si Malbar ay may matipunong pangangatawan, bilugan ang hugis ng mukha, alun-alon ang maitim na buhok at makisig bagama’t kayumanggi ang kulay. Higit ditto, ang namumukod na katangian ng binata ay ang pagiging tapat makisama, magiliw makipag-usap at mabuting makipagkaibigan.
Samantala si Matanglawin na balingkinitan ang pangangatawan at may kasingkitan ang mga mata ay hindi tapat na makisama, mainggitin at maghiganti.
Sapagka’t si Malbar ang nagpamalas ng higit na katapangan at kagitingin sa buong nasasakupan ng Sultan hindi kataka-takang siya ang itangi at pakamahalin ng mabunying Prinsesa. Gayon man ang kabilang pag-iibigan ay kusang inilihim nila sa Sultan pagaka’t alam nilang ito ay may napupusuang Prinsipe sa karatig na pulo.
Isang gabi, samantalang sa palasyo’y natutulog na ang lahat, si Rosa at Malbar ay panatag ang loob na nag-uulayaw sa loob ng hardin. Sila ay nagsumpaang kamatayan lamang ang makahahadlang sa kanilang pag-ibig. Nguni’t lingid sa kanilang kaalaman ay nasubukan pala sila ni Matanglawin kaya sumibol sa puso nito ang inggit at paghihiganti.
Kinabukasan ay isinuplong ni Matanglawin sa mabagsik na sultan ang nasaksihan niya nang sinundang gabi. Sa galit ng Sultan ay ipinatawag agad si Malbar at inusisa ito kung totoong magkasintahan sila ni Rosa.
Buong katapangan inamin ni Malbar ang katotohanan at matapos humingi ng tawad ay hiniling nito ang kamay ng Prinsesa
Nababaliw ka na ba? Bulyaw ng Sultan kay Malbar – Diyata’t ikaw na hamak na tagapaglingkod lamang ay hihiling sa kamay ng aking anak na may dugong-mahal? Lapastangan! Walang utang na loob!
Noon din ay ipinabilanggo kay Matanglawin si Malbar at hinatulang pugutan ng ulo ag binata sa pagbibilog ng buwan.
Naglumuhod si Rosa sa paanan ng Sultan upang isamong huwag putulan ng ulo si Malbar na kanyang kasin... nguni’t hindi siya pinakinggan ng ama.
Subali’t isang gabi, sa habag sa Prinsesa ng mga tanod sa piitan ay lihim nilang tinutulungan ito, upang makatakas ang magsing-irog. Nang sasampa na lamang sa bakod ng palasyo sina Malbar at Rosa ay siyang pagkarinig nila sa sunud-sunod na tunog na pinikpukpok na bilaong tanso na siyang pumukaw sa sultan at mga kawal. Nadungawan pala sila ng mainggitin si Matanglawin.
- Malbar! – ang panangis ni Rosa habang nakayakap sa kasintahan, -
Wala na tayong kaligtasan sa pag-uusig ng aking ama! Hihilingin ko sa langit na tayo’y magkasamang mamatay kaysa magkahiwalay pa!
Pagkasbi nito’y nagdilim nga ang langit. Isang kimpal ng maitim na ulap ang mula kung saan ang tumakip sa mukha ng buwan at isang matalim na kidlat ang biglang gumuhit sa karimlan!
Nang dumating ang humabol na mga kawal sa kinaroroonanng magkasintahan ay wala silang nakita kungdi isang munting halamang kulot at luntiang mga dahon, nguni’t nagsasabog ng halimuyak sa buong Kapuluan. Sa gayon ay nabatid ng Sultan na hindi wasto ang kaniyang ginawa sa magkasintahan, kaya’t napaluhod siya sa harap ng halamang iyon at sinabing: - Malbar! Rosa! Patawarin ninyo ako, mga anak!
Simula noon, ang munting halaman ay inalagaang mabuti ng Sultan at tuloy tinawag na MALBAROSA. Hanggang sa panahong ito ang ngalan ng halamang iyon ay hindi na binago ng mga tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment