Saturday, November 10, 2012

Alamat ng Capiz


ni Antonio, Emilio Martinez

          Buhat nang lumunsad dito sa ating kapuluan ang bantog na si Magallanes, ang mga Kastila ay kumakalat na nang kumakalat sa iba’t-ibang pulo sa Kabisayaan. Bagama’t napatay ni Lapu-lapu si Magallanes sa pulong Maktan ang gayon ay hindi naging hadlang upang ang mga Kastila ay magpalipat-lipat sa iba’t-ibang bayan at lalawigan.
          May isang panahong ang maraming kawal na Kastila ay  lumunsad sa malalaking pulo ng Panay. Ang mga kawal na yaon ay pinamumunuan ng isang mabait na Heneral na ang pangalan ay Alejandro de la Cuesta. Ang mabait na Heneral at ang kanyang mga kawal ay nagsisihimpil sa baybaying-dagat. Buhat dito ay gumawa sila ng mga paglalakbay hanggang makarating sila sa isang pook na hindi nila alam kung ano ang pangalan ng pook na iyon.
          Sa paglalakad ng mga kawal na pinangungunahan ni Heneral de la Cuesta ay natanaw sila ng isang babaing naglalaba sa batis. Ang babaing iyon ay may kasamang dalawang anak na nang mga sandaling yao’y nagsisipaligo sa malinaw na batis.
          Naisipan ng pinunong Kastila na lapitan ang naglalabang babae upang itanong kung ano ang pangalan ng baying kanilang kinaroroonan. Nguni’t malayu-layo pa ang mga kawal na Kastila ay natanaw na sila ng naglalabang babae. Dali-dali nitong tinungo ang dalawang anak na kambal na naliligo, kinilik ang isa at matapos akayin ang isa pa ay tinangkang sumibad ng takbo.
          Sa buong buhay ng babaing iyon ay noon lamang siya nakakita ng kawal na Kastila, kaya’t sa malaking takot ay sinikap nitong makatakas agad. Nguni’t nakaiilang hakbang pa lamang siya, au ubod galang na lumapit ang pinunong Kastila at mapitagang nagtanong;
-      “Como se llama esta provincial?” na ang ibig sabihin ay “Ano ba ang
pangalan ng lalawigang ito?”
          Hindi naunawaan ng babaing iyon ang mga salitang yaon, nguni’t nang makitang ang nagtatanong na pinunong Kastila ay nakatinging mabuti sa kaniyang dalawang anak, na noo’y nakakapit sa kaniyang mga hita, inakala ng natatakot na ina na ang itinatanong sa kanya ay kung bakit magkamukhang-magkamukha ang dalawang bata. Dahil sa gayong akala ay nangangatal pa ang tinig na tumugon siya sa wikang Bisaya.
-      Capid... Capid... an gang ibig sabihin, ang dalawa niyang anak ay
KAMBAL, kaya magkamukha ang mga iyon.
          Yumukod pa ang pinunong Kastila at nagpasalamat bago nagpaalam sa babaing iyon. Sa pag-aakalang ang isinagot nitong “Capid”, ay siyang katugunan sa kanilang itinanong.
          Noon din ay itinala sa talaan ni Heneral de la Cuesta ang salitang “CAPID” at nagpapatuloy sila sa paglalakbay sa buong lalawigan. Subali’t nang sila’y nag-usap-usap na tungkol sa pangalan ng lalawigang kanilang narrating ay nahihirapan silang bigkasin ang salitang “Capid”, sapagka’t hindi angkop sa kanilang dila ang “d”. Kaya’t ang titik na ito ay binago ni Heneral de la Cuesta at pinalitan ng titik na “s”.
          Buhat noon, ang lalawigang iyon na naging isa sa mga lalawigan sa malaking pulo ng Panay sa Kabisayahan, sa halip na maging “Capid” ay kinilala ngayon at tinatawag na KAPIS. Ang pangalang ito ng lalawigan ng Kapis ay siyang naging bunga ng hindi pagkakaunawaan ng isang natatakot na ina at ng isang pinunong Kastila.

6 comments: