Saturday, November 10, 2012
Alamat ng Saging
ni Antonio, Emilio Martinez
Sa isang maliit na nayong nasa may libis ng kabundukan ay may pag-asawahang kilala ng madla sa tawag na Ba Saro at Da Intang. Pinagkalooban sila ng tadhana ng kaisa-isang anak na babae na walang iba kundi si Ana.
Nang maging ganap na dalaga si Ana, aya maraming humahanga sa kaniya hindi lamang dahil sa kanyang kagandahan, kundi dahil sa kanyang kabaitan, kayumian at ang pagiging magiliw nito sa pakikiharap at pakikipag-usap.
Kabilang sa mga namimintuho kay Ana ang isang makisig na lalaki na ang pangalan ay Aging. Nang magpahayag ng pag-ibig si Aging kay Ana, napansin agad ng binata na may lihim na pagtatangi sa kaniya ang dalaga. Kaya’t hindi naman nagtagal at nagkaunawaan ang kanilang mga puso. Nagmamahalan sila, nguni’t kung malaki man ang pag-ibig ng binata kay Ana ay lalaong malaki ang pag-ibig ng dalaga kay Aging.
Magiging napakatamis sana ang pagmamahalan ng dalawang puso kung hindi lamang sumalungat ang ama ng dalaga. Madalas na sabihin ni Ba Saro kay Ana, na huwag papanhikin sa kanilang tahanan si Aging. Muhing-muhi ang ama ni Ana sa binata.
- Aba, anak, - paalala pa ni Ba Saro kay Ana, - hindi ka maaaring
buhayin ng mgandang lalaking lipi naman ng mga tamad! Hindi ko gusting mapagkikita dito sa ating tahanan ang batugang Aging na iyan...
isang dapit-hapon, buhat sa inaararong bukid ay dumating sa kanilang tahanan si Ba Saro na sukbit sa baywang ang isang matalim na itak. Kanginang malayu-layo pa siya ay natanaw na niya sa may bintana ng kanilang mababang bahay ang pagniniig nina Ana at Aging. Nang mapadapit siya ay namataan agad niyang ang kanang bisig ni Aging ay nakalatang pa sa may palababahan ng kanilang bahay.
Sa matinding poot ni Ba Saro ay biglang sumulak ang kaniyang dugo at ito’y parang umakyat sa kanyang ulo. Kaya’t pagkatapat niya sa bintana at makitang nakalawit pa nang bahagya sa palababahan ang kamay ng binata, iyon at tinigpas niya ng taga.
Nalaglag ang naputol na kamay ni Aging at dahil sa biglang pagkagulat at matinding pagkatakot nito ay kumaripas ng takbo ang binata. Hinabol ni Ba Saro si Aging nguni’t ang binata ay tuluyang nawala sa karimlan.
Nananagis na nanaog si Ana at kinuha ang putol na kamay ng kasintahan. Wala siyang malamang gawin, kaya’t ang kamay na putol ay ibinaon niya sa noob ng kanilang bakuran.
Kinabukasan ng umaga nang manaog si Ba Saro ay malabis ang kanyang pagtataka nang makitang may tumubong halaman sa kanilang bakuran. Ang mga dahon niyon ay malalapad at ang bawa’t buwig ng hinog na bungang madilaw-dilaw ay katulad ng isang kumpol ng mga daliri ng tao.
- Ana! – sigaw ni Ba Saro sa anak, - ano bang halaman ireng biglang
tumubo sa ating bakuran?
Nang Makita ni Ana ang buwig-buwig ng bunga ng halamang iyon ay naalala niya agad na ibinaon niya roon ang putol na kamay ni Aging. Kaya pabulalas niyang nasabi na:
- Ama!... Iyan po si AGING!... ang putol na kamay ni Aging!
Mula noon, ang halamang iyon ay tinawag nilang SI AGING hanggang
sa kalaunan ay tinawag na SAGING na lamang.
Bago namatay si Ba Saro ay pinagsisihan niya nang labis ang nagawa niyang katampalasanan sa kasintahan ng kanyang kaisa-isang anak na dalaga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
another story of alamat ng pinya
ReplyDeleteANG ALAMAT NG PINYA
DeleteNoong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pina. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinya, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.